Isang maikling kwento ni: Wado Siman
Alas-singko na ng hapon nang magpasiya si Cecille ligpitin na ang pagkain. Naisip niya kasing baka madami ang huli ngayon sa laot kaya’t gagabihin na naman ng uwi si Ariel. Pinagpag niya ang buhangin mula sa banig na ginamit niyang panlatag at saka isinilid sa loob ng basket kasma ang iba pang pagkain.
Malamig ang gabing iyon, malakas ang hangin maging ang alon. May pangamba si Cecille na baka mapahamak si Ariel sa dagat dahil sa masamang panahon, subalit mas tiwala pa din siya sa kasanayan ng asawa sa mga alon. May ilang beses na ding naipit si Ariel sa gitna ng bagyo habang nasa trabaho, subalit maliliit na gasgas at galos lamang ang natatamo niya. Ganoon na lamang ang pagmamahalan ni Ariel at ng dagat. Minsan nga, nagbiro pa si Cecille na kung papipiliin si Ariel sa pagitan ng dagat at sa kanya ay baka ang dagat pa ang piliin nito.
Madalas ay kinakausap ni Ariel ang dagat. Ikinukwento niya dito ang pinagdaanan nilang mag-asawa; na bagamat hindi mabiyayaan ng anak ay walang bahit pagdaramdam ang mag-asawa sa Maykapal. Masaya at kuntento sila sa simpleng pamumuhay na ipinagkaloob sa kanila; isang maliit na kubo, tatlong beses sa isang araw ay may nakahain sa hapag kainan- wala na silang hihilingin pa.
Pag-uwi ni Cecille sa bahay ay nagpasiya na siyang maghanda ng hapunan. Bawat gayat sa sibuyas ay nagpupuslit siya ng tingin sa bintana, umaasa sa pagdating ni Ariel. Subalit tapos na ang ginisang kalabasa ay bakante pa din ang posteng pinagtatalian ni Ariel ng kanyang bangka.
Nakahain na ang lamesa para sa dalawa. Sumipol ang hangin sa labas at tinangay ang paboritong damit ni Cecille papalaot, hindi na niya ito tinangkang habulin pa. Regalo ito ni Ariel noong unang taon nilang pagsasama. Bagamat mahalaga, hindi nagawang habulin pa ni Cecille ang blusa dahil na din sa matinding pagod.
Humampas ang pintuan sa kawayang pader ng bahay dahil sa lakas ng hangin. May ilang pirasong agiw mula sa anahaw na kisame ang dumapo sa ulam ng mag-asawa. Nasulyapan ni Cecille ang basang-basa na si Ariel na abala sa pagtatali ng bangka sa poste. Yumuko na lamang si Cecille at nagpatuloy sa pagkain.
Matapos ang hapunan ay nahiga na si Cecille sa kwarto.
“Gusto mo ba ‘tong pag-usapan?” tanong ni Ariel.
Bagamat taliwas sa ibinubulong ng puso ay pinilit ni Cecille na huwag sagutin ang tanong ng asawa. Pumikit na lamang ito at itinago sa unan ang nangingilid na luha.
“Pangako, babalik ako…” sabi ni Ariel habang dahan-dahan niya dinampi ang labi sa pisngi ng asawa. Si Cecille naman ay mas siniksik ang sarili sa nag-aalangan niyang kumot at humikbi ng palihim.
Bigong tumalikod si Ariel sa asawa at nagpasiyang tumungo na sa palengke upang ilako ang mga nahuli niya. Hinipan niya ang apoy ng lampara bago umalis tulad ng nakagawian niya.
Nagising si Cecille mag-aalas dose at napansin na wala na ang sindi ng lampara. Nilingon niya ang mga bintana na pawang naka-kandado. Sa dilim, kinapa niya ang posporo sa tabi ng batong kalan.
May luha niyang sinindihan ang lampara at dinala ito papalabas ng bahay. Umupo si Cecille sa buhangin kung saan niya madalas abangan ang pagdating ni Ariel. Sa may bandang gitna ng dagat ay napansin ni Cecille ang kanyang paboritong damit na nagpapatangay sa alon. Bagamat madilim ay litaw ang kakaibang ningning ng damit na iniregalo ni Ariel. Sa itaas nito ay may bituing namumukod-tangi sa lahat ng mga bituin noong gabing iyon. Malaki at maliwanag ang kislap ng bituing iyon. Nagpahid ng luha si Cecille at saka nag-tanggal ng tsinelas.
Alas-singko na ng hapon nang magpasiya si Cecille ligpitin na ang pagkain. Pinagpag niya ang buhangin mula sa banig na ginamit niyang panlatag at saka isinilid sa loob ng basket kasma ang iba pang pagkain.
Pag-uwi ni Cecille sa bahay ay nagpasiya na siyang maghanda ng hapunan. Bawat gayat sa sibuyas ay nagpupuslit siya ng tingin sa bintana, umaasa sa pagdating ni Ariel. Subalit tapos na ang ginisang kalabasa ay bakante pa din ang posteng pinagtatalian ni Ariel ng kanyang bangka.
Nakahain na ang lamesa para sa dalawa. Sumipol ang hangin sa labas at tinangay ang paboritong damit ni Cecille papalaot, hindi na niya ito tinangkang habulin pa. Regalo ito ni Ariel noong unang taon nilang pagsasama. Bagamat mahalaga, hindi nagawang habulin pa ni Cecille ang blusa dahil na din sa matinding pagod.
Humampas ang pintuan sa kawayang pader ng bahay dahil sa lakas ng hangin. Umaasa siyang matatanaw na ang asawang matagal na niyang hinihintay, subalit ang matinding sipol pa rin ng hangin ang naglalaro sa labas ng bahay. Tumayo na lamang si Cecille at isinara ang pintuan.
Matapos ang hapunan ay nagpasiya nang mahiga si Cecille sa kwarto.
Damang-dama ni Cecille ang pananabik sa asawa. Ang mahigit isang taong paghihintay niya sa pangako ni Ariel ay binibigo ng bawat sawing pag-alon.
Ang malalamig na gabi ay ipinipikit na lamang niya sa pag-asang isang umaga ay makikita niyang muli ang asawa sa kanyang tabi, tulad ng nakagisnan nila.
Ang kanyang mga luha na nagpupumiglas sa pagod niyang mga mata ay hindi paawat sa pagdaloy sa pisnging matagal ng hindi nadadampian ng labi. Sa maikling kumot, pinilit niyang pinagkasya ang mga hindi napunan ni Ariel bago ito mawala sa dagat.
Nagising si Cecille mag-aalas dose at napansin na wala ng sindi ang lampara. Nilingon niya ang mga bintana na pawang naka-kandado. Sa dilim, kinapa niya ang posporo sa tabi ng batong kalan.
May luha niyang sinindihan ang lampara at dinala ito papalabas ng bahay. Umupo si Cecille sa buhangin kung saan niya madalas abangan ang pagdating ni Ariel. Sa may bandang gitna ng dagat ay napansin ni Cecille ang kanyang paboritong damit na nagpapatangay sa alon. Bagamat madilim ay litaw ang kakaibang ningning ng damit na iniregalo ni Ariel. Sa itaas nito ay may marikit na bituing namumukod-tangi sa lahat ng mga bituin noong gabing iyon. Malaki at maliwanag ang kislap ng bituing iyon. Nagpahid ng luha si Cecille at saka nag-tanggal ng tsinelas.
Mariin niyang sinundan ang blusang iniregalo sa kanya ni Ariel habang ito’y nag-paagos papalayo sa kanilang bahay. Pumikit si Cecille at huminga ng malalim sa huling pagkakataon. Rumagasa ang tatlong magkakasunod na alon at humampas sa kinalalagyan ng tsinelas ni Cecille. Mula noon ay hindi na muling nagpakita ang bituing marikit.
Bilasa ang isang binatilyo habang patuloy sa pagsasagwan ng iiktad-iktad niyang bangka. Bakas ang damagang pagluha sa namumugto niyang mga mata. Makapal na ang kanyang bigote at payat na ang pangangatawan. Walang lamang isda ang banyera niya sa bangka.
“Pinilit kong mabuhay dahil…para sa iyo.”
Nilabas ni Ariel ang banig at inilatag sa buhanginan. Pinagmasdan niya ang dagat, at pilit tinatanaw ang hangganan nito. Sabay sa pagpahid ng luha ay ang mahigpit niyang kapit sa blusang saksi sa isang taon ng magandang samahan, at pinatid ng isang taon ng puspusang paghihintay.
“Gaano ba kahirap ang maghintay?”
Sa may dagat, naupo si Ariel, naghihintay, umaasa, nananabik…para sa muling pag-alon.
No comments:
Post a Comment