Nangingilid ang mga luha sa mata mo noong gabing yon, di mapakali at di makapagsalita. Tahimik nating pinagmasdan ang tawanan ng mga tao sa paligid, ang pagdaan ng itim na mga ulap sa bilog na buwan, ang pagtatampisaw ng tubig sa fountain ng Quadri, habang nasa ginhawa ng payong na nakasanayan nating tambayan.
Kinapa natin sa dilim ang daan papalabas ng school. Pinagpatayan na tayo ng ilaw ng mga guards na kadamay natin sa tuwing ginagabi ng uwi. Curfew daw, sabi ni kuya. Tumigil ako sa tapat ng AMV, ramdam ang bigat ng iniwanang salita sa ilalim ng payong. Hinawakan mo ang kamay ko. Sa isip ko, ngumiti ako, pero hindi ko iginalaw ang aking mga labi. Ayaw kong mahalata mo na masaya ako, huwag muna, sabi ko.
Pinaikot mo ang usap, sinimulan mo sa isang tanong.
Binalik ko sa iyo ang tanong.
Bagamat pareho tayong sigurado sa kahahantungan ng usapan, hindi pa din tayo nagpahalata. Pero alam natin sa isa’t-isa, hindi tayo ganoon kagaling magtago ng nararamdaman. Hindi tayo magaling na mga artista, hindi sa ganitong pagkakataon.
Ilang minuto pa ay napalitan ng ngiti ang kaba sa ating mga labi. Bumigat ang mga sapatos natin at lumayo ang gate ng Espanya. Dumagdag ng sampung palapag ang overpass at tila lahat ng Project 2 & 3 na jeep ay ayaw magpasakay. Sa waiting shed, pinalipas natin ang oras na dati ay minamadali at nilalamangan lamang.
Sa kabila ng lalim ng gabi, pumunta pa din tayo ng Morato, para sa cake ni lola, na may buhok. Ginawang treadmill ang kahabaan ng mga kalsada doon. Ginawang tanglaw ang ilaw ng kotse, at sinayawan ang busina ng mga ito. Atin ang gabing iyon. Hindi malimos ng mga bata, not now, sabi ko.
Bukas, sa isang araw, sa isang buwan at sa dadating pang mga taon, tulad ngayon, nararamdaman ko’y patuloy na lalago. Salamat sa pagdating mo Barns, binago mo ang mundo ko. Kasama mo ako sa lahat ng paglalakad, ng pagtawa, pagkain, panonood ng DVD, pagsayaw. Pero hindi tayo iiyak, wag sana. Pero kung kailangan, bakit hindi? Kung para sa Marley and Me, sige.
Heppy Two Hun! I loves yer! =)
No comments:
Post a Comment